Patuloy ang pakikipag-usap ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa gobyerno ng Amerika kaugnay sa pagbibigay nito ng pangkalahatang kompensasyon para sa nasirang Tubbataha Reef.

Ito ay matapos mabatid ng DFA ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa petisyon para sa Writ of Kalikasan ukol sa pinsalang dulot ng sumadsad na barko ng Amerika na USS Guardian sa Tubbataha Reef halos isang taon na ang nakararaan.

Ayon pa sa inilabas na kalatas ng DFA, magiging gabay nito ang desisyon ng Korte Suprema at pagpapayo naman mula sa Office of the Solicitor General.

Matatandaan na nagdulot nang matinding pinsala ang USS Guardian, isang minesweeper, sa Tubbataha Reef matapos itong sumadsad.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa desisyong 13-0-2, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) na atasan ang US government na bayaran ang Pilipinas sa pinsalang idinulot ng sumadsad na barko.

Hiniling din ng grupo sa Kataastaasang Hukuman na panagutin ang US Navy kasama ang mga opisyal at crew ng sumadsad ng minesweeper bunsod ng insidente.

Kinumpirma pa ng kagawaran na nakikipagtulungan na ito sa ibang ahensiya ng pamahalaan upang pagbutihin ang navigational safety o ligtas na paglalayag sa lugar at protektahan ang reef at kanyang nasasakupang tubig.