Nagbabala kahapon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na mawawalan ng P43 bilyon ang pamahalaan kapag naging batas na ang pagtaas ng tax exemption sa 13th month pay at iba pang bonus ng mga manggagawa.
Ito ang reaksiyon ni BIR Commissioner Kim Henares matapos pumasa sa Committee on Ways and Means ng Kongreso ang mungkahing batas na magtataas ng P70,000 sa exemption nito sa buwis mula sa dating P30,000.
“Kung pansarili kong kapakanan, e ako’y natutuwa ho... pero kung pag-iisipan ko ‘yung kapakanan ng buong bayan, nalulungkot ho ako. Magkakaltas po tayo ng expenditure na P43 billion o kaya ang epekto rin niyan, bababa ang credit rating natin. ‘Pag bumagsak ‘yung credit rating, ibig sabihin, interest rate natin tataas, so may epekto na naman po ‘yan sa bilihin,” ani Henares.
Iminungkahi ng BIR chief na dapat ding amyendahan ang buong tax code kung isinusulong lang din naman ang nasabing tax exemption. Nilinaw din ni Henares na ang P43 bilyon ay batay sa pagtaya ng Department of Finance (DOF) at malayo sa inisyal na tinalakay ng komite sa Kamara na aabot lamang sa P1.6 bilyon.
Inaasahang iakyat sa plenaryo ang panukala matapos ang pagdinig sa 2015 budget.