Pinagbakasyon na ng defending women’s champion Ateneo de Manila University (ADMU) ang Far Eastern University (FEU), 3-1, upang itakda ang pagtutuos nila ng University of the Philippines (UP) sa kampeonato ng UAAP Season 77 women’s badminton tournament sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Isang matinding hamon ang nakatakdang harapin ng Lady Eagles dahil sasagupa sila sa Lady Maroons na may bentaheng thrice-to-beat matapos na walisin ng huli ang eliminations.
Nakabuwelta si Patricia Malibiran sa kanyang pagkabigo sa second set para gapiin si Michal Dei Duquilla, 21-12, 14-21, 21-9, sa opening singles, habang naging magaan naman para kay reigning MVP Bianca Carlos ang pagdispatsa kay Thea Pomar sa second singles, 21-9, 21-15, para sa 2-0 bentahe ng Lady Eagles.
Nabuhayan pa ng pag-asa ang Lady Tams matapos na magwagi ang tambalan nina Pomar at Hannah Tudtud laban kina Jana de Vera at Dia Magno, 21-23, 21-19, 21-17, sa doubles.
Ngunit hindi na nagpatumpiktumpik pa sina Carlos at Malibiran sa pagselyo sa kanilang panalo sa pamamagitan ng pagposte ng 21-19, 21-18 panalo laban kina Duquilla at Maridel Rivera.
Bagamat nabigong umusad sa kampeonato, nakamit naman ng Lady Tams, na nauna nang nanalo sa La Salle sa unang laro ng stepladder semifinals, ang ikatlong puwesto.