Ramdam pa rin ang sakit sa natamong 54-78 pagdurog sa kanila ng defending champion San Beda, magsisikap ngayong makabangon ang College of St. Benilde para patuloy na buhayin ang tsansang makahabol sa Final Four round sa kanilang pagsagupa sa inaalat na San Sebastian College (SSC) sa pagpapatuloy ng ikalawang round ng NCAA Season 90 basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Pinutol ng Red Lions ang naitayong 7-game winning streak ng Blazers kaya naman mabigat pa rin ito sa kanilang kalooban.

Gayunman, ayon kay coach Gabby Velasco, hindi sila dapat na magpadala sa kanilang nararamdaman at sa halip ay kailangan nilang magsikap na muling makabangon dahil hindi pa tapos ang kanilang laban.

“It’s still a long way to go. We still have a chance to make it to the next round. We just have to put that lost behind our back, look ahead and prepare for our next games,” ani Velasco.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Bagamat galing sa kabiguan, nasa Blazers pa rin ang pagpabor ng marami kontra sa Stags na patuloy pa rin ang inaabot na kamalasan makaraang sumadsad sa kanilang ikawalong sunod na pagkatalo. Ang pinakamasaklap pa rito ay nagawa silang walisin ng Mapua sa eliminations.

Sa tampok na laban, tangka namang sumalo sa ikalimang puwesto ang Letran College (LC) sa kanilang kapitbahay sa Intramuros na Lyceum of the Philippines sa pagpuntirya ng kanilang ikalimang panalo laban sa Emilio Aguinaldo College (EAC) na gaya ng San Sebastian ay patuloy pa rin ang paglubog sa ilalim ng standings.

Hawak ang barahang 4-7 (panalo-talo), isang panalo ang pagkakaiwan sa Pirates, tatangkain ng Knights na makabangon sa huling kabiguang nalasap sa kamay ng Perpetual Help Altas upang patuloy na palakasin ang pag-asang makahabol sa huling Final Four berth.

Sa kabilang dako, hahabol naman ang Generals na makabalik sa winning track matapos dumanas ng sunud-sunod na pagkabigo matapos mawala ang kanilang Cameroonian center na si Noube Happi sanhi ng back injury.