Matapos ang halos apat na oras na mainitang debate, nagdesisyon ang House Committee on Justice na ibasura ang tatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino nang ideneklara nitong “not sufficient in substance”.

Sa botong 54-4 sa tatlong impeachment complaint, ibinasura ng lupon na pinangungunahan ni Iloilo Rep. Niel Tupas ang hakbang na patalsikin si PNoy matapos mabigong makumbinsi ng mga Makabayan lawmaker ang kanilang mga kabaro na nilabag ng Pangulo ang Konstitusyon sa pagpapatupad ng Disbursement Acceleration Program (DAP) at paglalagda sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Amerika.

Isinagawa ang botohan matapos hiliningin nila Deputy Speaker at Leyte Rep. Sergio Apostol ang komite ni Tupas na desisyunan na ang isyu sa tatlong reklamo.

Itinuring ni Marikina Rep. Miro Quimbo ang mga impeachment complaint na sablay dahil wala ang mga itong sapat na ebidensiya na ninakaw o nilustay ang pondo sa DAP.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Wala ni isang Minority or Independent Bloc na sumusuporta sa impeachment complaint.Pagpapakita lang na ang reklamong ito ay hungkag,” giit ni Quimbo.

Ipinaalala ni Quimbo at Isabela Rep. Giorgidi Aggabao na hindi lahat ng paglabag ng Konstitusyon ay “impeachable offense”.