Nakapanlulumong mabatid na minsan pang ipinahiwatig ni Presidente Aquino na hindi prayoridad ng administrasyon ang Freedom of Information Bill (FOI). Kabaligtaran ito ng kanyang pangako noong kasagsagan ng 2010 presidential polls hinggil sa pagpapatibay ng naturang panukalang-batas na inaasahang lilipol sa talamak na katiwaliang gumigimbal sa bansa.

Ang tila panlalamig ng Pangulo sa pagsasabatas ng FOI ay nakaangkla sa kanyang pag-aatubili na ito ay sertipikahang ‘urgent’. Sa gayon, tiyak na magkukumahog sana ang mga mambabatas na aksiyunan ang naturang bill na mahigit nang isang dekadang sinisiklut-siklot sa Kongreso, lalo na sa Kamara. Hindi sapat ang pangako na ito ay maisasabatas bago matapos ang panunungkulan ng Pangulo.

Nakasasawa na ang pagtalakay sa tunay na diwa ng FOI, lalo na kung iisipin ang kawalan ng interes ng mga kinauukulang awtoridad. Mainam nga sanang ito ay mapagtibay upang tayo, lalo na ang ating mga kapatid sa media, ay magkakaroon ng pagkakataong mailantad ang mga transaksiyon sa gobyerno; upang mabusisi ang paggamit ng labis na kapangyarihan ng mga lingkod ng bayan, kabilang na ang paglalantad ng kanilang mga nakatagong kayamanan. Maliban kung may mga inililihim o kinatatakutan ang mga tauhan ng gobyerno, ang FOI ay tunay na makatuturan sa isang malinis at marangal na pamamahala.

Kahit na walang FOI, kung sabagay, ang media ay hindi mapipigilan sa paghahanap ng katotohanan tungkol sa mga kilos at transaksiyon ng administrasyon, kabilang na ang mga mambabatas. Napatunayan ito nang mabulgar ang kasuklam-suklam na P10 billion pork barrel scandal, iligal na paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) at Disbursement Acceleration Program (DAP), at iba pang masasalimuot na pangungulimbat ng pondo ng bayan. Naaamuyan din ng media ang pagmamalabis sa kapangyarihan ng ilang tauhan ng administrasyon. At ito ay walang takot na ginagampanan ng media kahit na sila ay sinasampahan ng kawing-kawing na kasong libelo ng kanilang mga nasasagasaan.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sa harap ng katotohanang ito, naniniwala ako na kikilos agad si Presidente Aquino, lalo na kung isasaalang-alang niya na ito ang kanyang makabuluhang pamana sa bayan.