Tinawag ni Pangulong Noynoy na maka-kaliwa ang mga nagsampa ng mga kasong impeachment laban sa kanya. Sila aniya ang mga lagi niyang kritiko. Galit sila sa akin, wika niya, kapag bumubuti ang mga bagay sa ating bansa.
Ang sagot naman ni Vice President Jojo Binay sa mga akusasyong overpriced ang ipinagawa niya at ng kanyang asawa at anak sa Makati, napupulitika ang kanyang pamilya. Ang nasabing gusali ay inabot ng kung ilang taon, na baha-bahagi itong ginawa na ang bawat bahagi ay may kaukulang aproprasyon. Dahil ang posisyong alkalde ay pinaghalinhinan ni VP Binay, ang kanyang maybahay at anak na si Jun-Jun na kasalukuyang nakaupo, sa panahon ng kanilang termino naganap ang konstruksyon at paggastos ng bilyong pondo ng bayan para dito. Tinalo ni Jun-Jun si dating Bise Alkalde Mercado sa pagka-alkalde, sabi pa niya. Pinalalaabas ng Pangalawang Pangulo na ang imbestigasyon nangyayari sa senado ukol sa umano ay overpriced na gusali ay paninira lamang sa kanya at kanyang pamilya. Ang naninira ay mga pulitikong may ambisyon din kumandidato at ginamit ang mga taong may personal na galit sa kanya.
Hindi dapat na ganito ang maging reaksyon ng dalawang pinakamataas ng pinuno ng ating bansa. Hindi komo na sa akala nila ay pinepersonal sila ganito rin ang kanilang gagawin. Sila ang dapat manguna sa pagtalakay ng mga isyu sa mataas na antas. Kung personal bumatikos ang iyong kalaban, tulad ng akala ng Pangulo sa mga taong pinai-impeach siya, ilagay mo sa isyu ang iyong kasagutan. Hilahin mo sila rito at ang mga taong hindi maganda ang sinasabi sa iyo na walang kaugnayan sa pagganap at ginaganap mong tungkulin ay kusang titigil dahil wala nang papatol sa kanila. Ang problema, ang tagurian mo ng kung anu-ano ang iyong mga kritiko, gaya ng maka-kaliwa at talunan, ay hindi maganda para sa iyo. Parang wala o kapos ka ng katwiran. Hindi pwedeng ipagpalit ang ingay at galit sa katwiran lalo na kung ikaw ay nagpapatakbo ng gobyerno na hinihikayat mo ang taumbayan na suportahan ka.