Tuwing uuwi ako nang may liwanag pa ang kalangitan, natatanaw ko ang magarang halamanan sa bahay ng aking kumare bago pa ako makarating sa bahay namin. Maliit lamang ang apartment ng aking kumare ngunit ang lahat ay napapatingin sa ganda ng kanyang halamanan at landscaping sa labas ng kanilang tahanan. Daig pa niyon ang disenyo ng halamanan ng isang mansiyon sapagkat ginawa iyon ng aking inaanak na ngayon ay isa nang magaling na landscape artist.

Naalala ko noon ang kuwento sa akin ng aking kumare; na minsang pinagbantay niya ng bahay ang kanyang unico hijo ng bahay dahil may bibilhin lamang siya sa kalapit na tindahan. Upang may gawin, pinahawakan niya ang bata ng water hose at tinuruan ng tamang pagdidilig ng halaman. Pagbalik ng aking kumare matapos ang ilang minuto, natagpuan niya ang kanyang anak na inaayos ang isang halaman sa isang nabasag na pasô. Nang mag-imbestiga siya, nalaman niya na pinaglaruan ng kanyang anak ang water hose at tinamaan ang isang halamang nasa pasô kung kaya nagkukumahog itong ayusin. Hindi nagalit ang aking kumare, at sa pagsisikap na ayusin ng bata ang kanyang “pagkakamali”, hinagkan niya ang kanyang anak. At pagkatapos, ipinakita ng aking kumare kung paano kinukumpuni sa alambre ang nabasag na pasô upang mapakinabangan uli. Pagkalipas ng mahigit dalawampung taon, nang tanungin ko ang aking inaanak tungkol sa pangyayari noon, aniya, “Dahil sa halik ni Mama, naging landscape artist ako.” Malayo nga ang narating ng paghihimok ng kanyang ina.

Ano kaya ang nangyari sa inaanak ko kung pinagalitan siya nang bonggang-bongga ng kanyang ina noong panahong iyon? Kamakailan lang, napabalitang pinagmalupitan ng isang ina ang kanyang anak doon mismo sa kalye na kitang-kita ng lahat ng dumaraan. Ang eksenang iyong ay tumawag ng atensiyon ng media kung kaya napalabas sa TV ang pagmamalupit ng inang ginawang punching bag ang kanyang anak. Hindi ko iyon matanggap, sa totoo lang.

Ito ang sinabi ni San Pablo Apostol sa mga magulang: “Huwag ninyong ibulid sa galit ang inyong mga anak. Sa halip, inyong turuan sila ayon sa saway at aral ng Panginoon”.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Madaling mapansin ang pagkakamali ng isang bata ngunit mahirap makita na ang pagkakamaling iyon ay likha ng pagmamahal at paggalang. Isang malaking paghamon para sa ating mga magulang ang pagpapalaki sa ating mga anak na naaayon sa pamantayan ng Diyos.