Nagpahayag ang Expresspay Inc. ng kahandaan na tugunan ang mga naranasang iregularidad sa transaksiyon sa mga customer sa isa nilang franchise sa Wawa, Taguig.

Ang Expresspay Inc., na may 600 sangay sa Pilipinas, ay tumatanggap ng bayad sa mga bills para sa iba't ibang kumpanya ng elektrisidad, tubig, telepono at maraming iba pa. Ka-partner nito ang ilang malalaking bangko.

Ayon kay Allen Mascenon, presidente ng Expresspay Inc., nalulungkot siya sa naranasan ng mga customer sa nasabing branch dahil sa ginawang pagtakbo ng franchise sa perang ibinayad.

Napag-alaman na natuklasan ng mga customer ang ginawang iregularidad ng nasabing sangay nang makita nila na hindi nabayaran ang mga balanse sa kanilang billings.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Lumabas na nang puntahan ng mga apektadong customer upang iparating ang kanilang concerns sa Expresspay sa Wawa Taguig branch ay nagsara na ito.

“We are saddened that a former franchise has committed questionable acts by representing Expresspay and taking the bills payments of our customers without transacting it through our system,” ayon kay Mascenon.

Dahil dito, agad na iniulat ng kumpanya ang insidente sa mga awtoridad upang matiyak na mapapanagot ang mga taong sangkot sa nasabing iregularidad, partikular na ang may-ari na bumili ng prangkisa.

Sa susunod na linggo ay uumpisahan ang refund sa mga naapektuhang customer habang nagsasagawa na rin ang kumpanya ng mga paraan upang hindi na maulit ang naturang insidente.- Jun Fabon