Halos 1,000 overseas Filipino worker (OFW) sa Libya ang susunduin ng barko na inupahan ng Rapid Response Team (RRT) sa pagpapatuloy ng mandatory repatriation ng gobyerno ng Pilipinas bunsod ng lumalalang kaguluhan sa nasabing bansa.

Ayon kay Consul General Leila Lora-Santos, ng Embahada ng Pilipinas sa Rome, nagsimula nang maglayag ang chartered ship mula sa Southern-Europe patungong Benghazi sa Libya upang sunduin ang mga Pinoy.

Bukod sa Benghazi, posibleng dumaan din ang barko sa Misrata at Tripoli, na ilang Pinoy worker ang naghihintay na mailikas.

Pagkatapos nito, bibiyahe ang barko diretso sa Malta upang dito ayusin ang flight ng mga OFW pauwi sa Pilipinas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Unang inihayag ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli sa pakikipag-negosasyon sa employer ng mga OFW sa Libya na tiniyak na sasagutin ng mga ito ang gastusin sa eroplano ng kanilang manggagawa upang makauwi sa bansa.

Umupa kamakailan ng barko ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Malta na ginamit para mailikas ang mahigit 800 OFW sa mga pantalan ng Benghazi, Misrata at Tripoli sa Libya.

Samantala, tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang ipinangakong tulong ng gobyerno, partikular ang ayudang pinansiyal sa mga umuwi at uuwi pang OFW mula sa Libya.

Tinatayang may 10,000 Pinoy pa ang nananatili sa Libya na patuloy na nasa ilalim ng Crisis Alert Level 4 (mandatory evacuation).