ZAMBOANGA CITY – Nanawagan ang sectoral representative ng mga katutubo sa mga konseho ng lungsod sa mga leader ng Muslim community na tulungan ang pamahalaang lungsod sa mga pagsisikap nitong maibalik sa dati ang Zamboanga, kasunod ng mahigit 20 buwang labanan ng militar at ilang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa siyudad noong Setyembre ng nakaraang taon.
“Mag-iisang taon nang nakalipas ang Zamboanga siege at nananawagan ako sa Muslim leaders na tulungan ang city government sa pagtatayo ng better Zamboanga,” sabi ni Councilor Islamel Musa. “Kung tumutulong ang mga Kristiyano sa internally displaced persons (IDPs) walang dahilan para hindi rin ito gawin ng mga Muslim.”
Aniya, makakatulong nang malaki ang mga Muslim community kung tatanggapin ng mga IDP o tutulungan ang mga ito sa kanilang mga pangangailangan. “Sa katunayan, ang pagtulong lang sa IDPs ay isa nang Herculean task, paano pa ang pagtatayo ng mga bahay? Hindi lang iisang bahay ang itinatayo namin kundi libu-libo,” aniya.
“Lalo na at wala namang may gusto sa labanan, at hindi simple lang ang recovery efforts gaya ng inaakala ng iba,” paliwanag ni Musa.
Nilinaw din niya na hindi pinlano ng gobyerno ang labanan, gaya ng pinaniniwalaan ng ilang sektor, at wala ring pondo na nakalaan sa rehabilitasyon dahil wala namang nag-akalang mangyayari ito.
“May mga sabi-sabi kasi sa Muslim communities na bago ang labanan ay nakita umanong nagpupulong ang matataas na opisyal ng lungsod sa isang local hotel para raw planuhin ang paglalaban. Walang katotohanan ito. Sabi-sabi lang, at walang nangyaring meeting. Dapat na magkaisa ang lahat ng Muslim at Kristiyano para maitatag muli ang mas magandang Zamboanga,” sabi pa ni Musa. - Nonoy E. Lacson