Ni MADEL SABATER-NAMIT

Nilinaw kahapon ng Malacañang na walang hiniling na pondo ang Supreme Court (SC) para sa pagbubukas ng mas maraming electronic courts o e-courts na magpapabilis sa court proceedings.

Sinabi ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na nais sana ng Korte Suprema na magdagdag ng 61 pilot e-court pero tinanggal umano ng Ehekutibo ang nasabing funding request.

Paliwanag niya, isinasagawa ng mga e-court ang random electronic system at raffling, na nag-aalis sa pagkakataong aktuwal na makialam ang tao sa proseso na magbibigay naman ng tsansa sa korupsiyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, nanindigan si Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na walang natatanggap na funding request ang Malacañang mula sa Korte Suprema para sa pagdadagdag ng mga e-court.

“Wala silang ni-request na pondo for the e-courts for 2014 and 2015,” sabi ni Valte.

Gayunman, sinabi niya na nananatiling sinusuportahan ng Ehekutibo ang Hudikatura kapag humihiling ito ng pondo, tinukoy ang Enterprise Information Systems Plan (EISP), na nagdi-digitize sa mga trial court process para mapabilis ang paglilitis.

Sinabi ni Valte na ang EISP ay may kabuuang project cost na P774.6-milyon, at may isang five-year program mula 2010 hanggang 2015.

“Kung anong ni-request nilang funding for that, naibigay naman pero binalikan namin ‘yung mga records, walang budget request para sa e-courts mula sa Korte Suprema mula nung 2014 hanggang 2015,” giit ni Valte.

Binanggit din ni Valte na tumaas ang Ruizbudget ng Hudikatura para sa 2015, na nasa P943.084 milyon.

“Under this administration ay patuloy ‘yung nagiging increase—‘yung suportang ibinibigay para sa mga kasamahan natin sa Judiciary,” aniya.

Matatandaang nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng Ehekutibo at Hudikatura makaraang ideklarang ilegal ng kataas-taasang hukuman ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ng gobyerno.