Maaari raw mapaaga ang pagkakaroon ng power shortage o kakulangan ng kuryente matapos atasan ng Supreme Court ang National Power Corp. (NPC) sa pamamagitan ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp (PSALM), na magbayad ng P60 bilyong danyos matapos matalo sa class suit na inihain ng dating Drivers and Mechanics Association na tinanggal noong 2003. May 8,018 ang magiging benepisyaryo rito.

Sinabi ni Energy Sec. Jericho Petilla na siguradong tataas ang singil sa kuryente sa sandaling ipatupad ang notices of garnishment ng korte. Ang PSALM ang korporasyon ng gobyerno na humahawak sa assets at liabilities ng Napocor. Kung ganoon, hihiyaw ba tayo ng “Ilaw, ilaw, kuryente” bukod sa sabay-sabay na pagsigaw ng “Tubig, Tubig...”

Nauuso ngayon sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas, ang tinatawag na Ice Bucket Challenge. Ang isang tao ay bubuhusan ng isang timbang may yelo. Layunin ng kilusang ito na makaipon ng pondo para gamitin sa pagpapagamot ng mga taong dumaranas ng Amyotrophic Lateral Sclerosis, isang sakit na lumulumpo sa buong katawan at sumisira sa nerves. Ilang kilalang personalidad na sa daigdig ang tumanggap ng hamon at nagpabuhos ng napakalamig na timba ng tubig at yelo. Kabilang dito sina billionaire Bill Gates at Facebook founder Mark Zuckerberg. Sa Pinas, kumasa rin ang ilang movie personality at maging sina DOJ Sec. Leila De Lima at BIR Com. Kim Henares. Kakasa kaya sa hamong ito sina PNoy at Budget Sec. Butch Abad?

Tumanggi naman sa hamon si Manila Mayor Joseph Estrada at sinabing ang Ice Bucket Challenge ay isang “Payabangan lang!” Magbibigay na lang daw si Pareng Erap ng donasyon sa ALS kesa buhusan siya ng timbang may yelo. Bulong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Takot kaya sa ginaw si Mr. Estrada?” Sabad ni Tata Berto: “Di mo ba napapansing lagi siyang naka-jacket?” Anyway, magdo-donate na lang daw si Mayor Erap. Brrr...Brrr. Ang lamig nga naman. Baka kung malasin ka ay atakihin ka pa sa puso! Sa pinakahuling ulat, umaabot na raw sa $89 milyon ang nakakalap mula sa Ice Bucket Challenge.
National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya