Mabuti hindi nawala sa focus iyong mga kalaban ng pork barrel na sa totoo lang ay sila ang kumakatawan sa sambayanang pinagkakaitan ng nararapat sa kanila mula sa yaman ng bansa. Kasi, masyadong tuso ang mga kalaban na gumagamit na ng squid tactic. Nasukol na sila kaya nagbubuga na sila ng tinta para itago ang kanilang maitim na balakin na ideneklara na nga ng Korte Suprema na unconstitutional. Pagbabago ng Saligang Batas, pagpapalawig ng termino ng Pangulo at pagbawas ng kapangyarihan ng Korte Suprema ang mga isyung ipinalalambong nila sa kanilang pork barrel para itago ito sa mamamayan.

Walang batayan ang People’s Initiative, wika ni Speaker Belmonte. Anong pork barrel aniya ang sinasabi ng mga nagsusulong nito eh wala na nga sa budget ito. Layunin ng People’s Initiative na alisan na ng pork barrel ang mga opisyal ng gobyerno at ito ang nililikuman ng mga nagsusulong nito ng anim na milyong lagda ng mga rehistradong botante ng bansa. Ipinangangalandakan din ng Pangulo na inalis na niya ang kanyang pork barrel.

Sinungaling ka Pangulong Aquino, sabi ni ACT Party List Representative Tinio. Alam mo at alam ng mga mambabatas at alam namin na hindi mo inalis ang pork barrel, wika niya. Tama si Tinio. Hindi mo na nga mababasa sa budget ang napakalaking pondong nakalaan sa bawat mambabatas bilang kanyang PDAF, pero inilagay pala ito sa iba’t ibang ahensiya at departamento ng gobyerno. Bagamat ganito ang ginawa, ang mga mambabatas pa rin ang may kontrol sa pondo dahil sila ang magsasabi kung saan at magkano ang gagastusin dito.

Ang pork barrel naman ng Pangulo ay nakakalat sa iba’t ibang gagastusan na siya ang may kontrol at layang magsasabi kung magkano ang pakakawalan para dito. Kaya iyong mga ibang isyung lumabas ay panggulo lamang upang iiwas sa mata ng sambayanan ang salot na pork barrel.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza