Siyam na miyembro ng Philippine Weightlifting Association (PWA), sa pangunguna ni 2-time Olympian Hidilyn Diaz at 17th Asian Games bound Nestor Colonia, ang nagsipagtala ng kanilang personal best records sa isinagawang buwanang tryout sa Rizal Memorial Weight Center.

Sinabi ni Alfonsito Aldanete, bagong head coach ng PWA na nagposte ng kanilang mga bagong standard records ang miyembro ng national team at training pool sa isinagawang open tryout noong Sabado ng umaga bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa 2015 Southeast Asian Games at 2016 Brazil Olympics.

“This is just the first of our monthly tryout for the elite and the training pool,” sinabi ni Aldanete, kasama bilang assistant ang 1988 Olympian na si Greg Colonia.

“Gusto namin kasi na mamonitor ang ang kanilang improvement kada buwan sa isinasagawa nating tryout,” giit pa ni Aldanete.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Ang siyam na weightlifters na nagtala ng kanilang bagong personal best lift ay ang 16-anyos na si Margaret Colonia (15kg.), ang 18-anyos na si Kristel Macrohon (10kg.), ang 23-anyos na si Diaz, ang 22-anyos na si Nestor Colonia at ang 19-anyos na si Karl Louise Macrohon.

Itinala naman ng 16-anyos na si Elbert Atilano Jr. ang pinakamabigat na lift sa 21kg. habang ang 18-anyos na si Rowel Garcia ay nagdagdag din ng 16kg.

Ikinasa naman ng 19-anyos na si Jonel Alejandro ang 4kg. sa bodyweight na 98kg.

Pinaganda ni Margaret Colonia ang kanyang record lift noong 2014 PNG na 63 sa snatch at 80 sa clean and jerk na may total na 143kg. para itala ang bagong junior record sa 58kg sa binuhat na 70 at 88 para sa total lift na 158kg.

Si Kristel Macrohon na nasa 68kg category ay napaganda naman ang kanyang 75-98 sa kabuang 173kg. sa PNG sa pagbuhat ng 78-103 para sa total lift na 183kg.

Si Atilano, anak ni dating national lifter Elbert Sr., ay bumuhat ng 73-90 sa kabuuang163 sa 2014 PNG na pinataas pa nito sa itinalang 81-103 sa total na 184kg.

Si Rowel Garcia na may 80-95 para sa 175kg. sa PNG ay nagtala ng 86-105 o kabuuang 191kg. lift.

Pinaganda ng 2-time Olympian na si Diaz, nabigong makuwalipika sa nalalapit na 17th Asian Games, ang itinalang 95-120 o kabuuang 215 sa PNG sa pagbuhat sa 100-120 para sa total na 220kg. na naglagay dito sa ikaapat na puwesto sa women’s 58kg.

Kulang naman ng 5kg. ang nabuhat ni Asian Games bound na si Nestor Colonia na 280kg para sa gintong medalya. Huli itong tumapos sa ikaanim na puwesto noong 2010 Asian Games kung saan ay iniuwi ni Wu Jiangbiao ng China ang ginto sa binuhat nitong 285kg. sa men’s 56kg.