Agad makakasagupa ng binubuong koponan ng Pilipinas ang karibal na Australia sa pagsisimula ng 10th Girls’ U17 Asian Volleyball Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand sa Oktubre 11 hanggang 19.

Ito ay matapos mapasama ang PH Under 17 volley team sa apat na koponan sa Group C na kinabibilangan ng China at India sa ginanap na draw ng nag-oorganisang Asian Volleyball Confederation (AVC) kasabay ang torneo sa Men’s Under 20 at Men’s Under 18.

Kasalukuyang binubuo pa ng Philippine Volleyball Federation (PVF) ang komposisyon ng pambansang koponan na pamumunuan ni University of the Philippines (UP) coach Jerry Yee habang ang assistants ay sina Raymond Castillo at Emilio Reyes Jr.

Unang sasabak ang Pilipinas sa Oktubre 11 sa ganap na alas-10:00 ng umaga bago sundan ng salpukan nila kontra sa India sa Oktubre 12 sa ganap na alas-12:00 ng tanghali. Huli nilang makakatapat ang China sa Oktubre 13 sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napasama sa Group A ang New Zealand, Thailand at Hong Kong habang nasa Group B ang Vietnam, Kazakshtan at defending champion Japan. Magkakasama naman sa Group D ang Korea, Taipei at Iran.

Huli namang isinagawa ang 2012 Asian Youth Girls Volleyball Championship sa Shuangliu County, Chengdu, China kung saan ay tinanghal na kampeon ang Japan at kinilala si Sarina Koga bilang Most Valuable Player.

Kasunod ng Japan ang China, pumangatlo ang Chinese Taipei, ikaapat ang South Korea, ikalima ang Thailand, ikaanim ang India, ikapito ang Kazakhstan, ikawalo ang Hong Kong, ikasiyam ang Vietnam, ika-10 ang Iran, ika-11 ang Australia, ika-12 ang Mongolia at ika-13 ang Sri Lanka.

Maliban sa pagiging MVP, tinanghal din na Best Scorer si Koga habang ang Best Spiker ay si Hu Mingyuan at Best Blocker si Yuan Xinyue na kapwa nagmula sa China. Ang Best Server ay si Chen Tzu-ya ng Chinese Taipei habang ang Best Setter ay si Airi Tahara ng Japan. Ang Best Libero ay si Lin Miao-hua ng Chinese Taipei.

Ang tatlong mangungunang koponan ay makukuwalipika naman sa World Youth Championships.