Pagkaantala sa pagdating ng tren at siksikan sa loob ng mga bagon at sa mga estasyon ng Light Rail Transit (LRT) ang pangunahing reklamo ng mga pasahero, ayon sa LRT Authority kahapon.

Ang matagal na pagdating ng mga bagon ng tren ang una sa listahan ng mga reklamo ng mga pasahero na hindi maiwasan sa tuwing nagkakaroon ng technical problem sa signaling, track system, power supply at iba pa.

Partikular naman ang siksikan ng mga pasahero sa LRT kapag peak hours kaya nasasagi ang door levers dahil nakasandal na ang karamihan sa pintuan ng mga bagon.

Unang inulan ng mga reklamo at sentimiyento ng mga pasahero ang LRTA sa e-mails, text messages, tawag sa telepono at posts sa social media accounts ng ahensiya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kabilang sa mga reklamo ang hindi maayos na air-conditioning system, sirang elevators at escalators, kulang na Line 2 Stored Value Ticket simula noong Hulyo sa ilang estasyon na tinutugunan na umano ng pamunuan.

Sa halos tatlong dekadang operasyon ng LRT, patuloy ang misyon nitong makapagbigay ng ligtas at maasahang transportasyon ng publiko, gayunman ilang problema na tulad sa pagkakasira sa mga pasilidad ang sanhi kaya hindi komportable ang mga sumasakay dito.

Pansamantalang nagpapatupad ng hakbang ang pamunuan nito para tapusin ang pagpapalit ng mga riles at maging ang rehabilitasyon para sa mas maayos na serbisyo ng mga pasahero.

Nagpatupad ng bagong loading scheme ang LRTA upang tangkaing patagalin pa ang kondisyon ng mga riles at tiyaking ligtas sa ipinaiiral na 40 kilometro kada oras na takbo ang tren.

Prayoridad naman ang mga senior citizen, may mga kapansanan, buntis at mga bata na may kasamang guardian na sumakay sa Special Boarding Area upang matiyak ang kanilang kaligtasan at makaiwas sa siksikan ng mga pasahero sa ibang bagon.