Handang makipagsabayan sa mas mataas na level ng pisikalidad ng laro sa Philippine Basketball Association (PBA) ang Fil-foreign rookies na sina Chris Banchero, Giorgio Umali at ang kambal na manlalaro ng San Beda College (SBC) na sina Anthony at David Semerad.

Sa kabila ng taglay na magandang mukha, isa rin sa hinangaan sa kanila ng basketball fans, hindi umano natatakot ang apat na talentong ito na nasa ilalim ng pangangalaga ng ALV Sports Management ni Arnold Vegafria na sumabay sa laro ng papasukin nilang pro ranks.

Na-draft na lahat noong nakaraang PBA Annual Rookie Draft, si Banchero bilang 5th overall pick ng Alaska, si Anthony na naging 7th pick overall ng Globalport, ang kakambal na si David na naging 10th overall pick ng Barako Bull at Umali na kinuha ng Kia Motors sa second round, umaasa ang apat na tatangkilikin sila ng mga Pinoy at bibigyan ng pagkakataon na maipakita ang kanilang talento sa basketball.

Maglalaro sa unang pagkakataon sa magkaibang koponan, magmula nang sila’y magsimulang sumubok at matutong maglaro ng basketball habang nasa Grade 3 sa Australia, sinabi ng Semerad twins na batid nilang kasama sa kanilang napiling career ang malagay sa alanganin at maaksidente na posibleng makaapekto sa kanilang mukha.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Ngunit walang gatol na sinabi ng dalawa na handa silang makipagpalitan ng mukha kung hinihingi ng pagkakataon pagdating sa laro.

“We’re already used to that (physicality) and we knew that in every game there’s a big chance that you’re gonna be hurt. And we’re ready to exchange face if ever,” wika ng kambal.

Ayon pa sa dalawa na anak ng isang Czech na si Roman Semerad at ng Filipina na tubong Minalin, Pampanga na si Evelyn David, malaking bagay at makakatulong ng malaki sa kanila ang natutunang pagpapa-angat ng lebel ng kanilang depensa na ipinapagawa sa kanila sa San Beda sa NCAA kung saan target nila ang ikalimang sunod na kampeonato.

Anak naman ng isang Filipino na tubong Oriental Mindoro na si Victor Umali sa isang Amerikanang si Liza Norwood, sinabi ni Umali na sakaling mabigyan siya ng pagkakataon na makapaglaro sa Kia, sisikapin niyang makasabay kung hindi makaantay sa pagiging isang dedikado at disiplinadong atleta na gaya ng playing coach ng koponan na si Manny Pacquiao.

Samantala, inaasahan naman ni Vegafria na dahil na rin sa taglay na hitsura ng kanyang mga alaga na tinambalan pa ng maipagmamalaki ding talento sa paglalaro, makakaakit ang mga ito ng mas marami pang fans sa PBA, partikular ang mga kabataan na makakatulong para sa lalo pang pag-angat ng popularidad ng liga.