SHERYL Cruz

BINANGGIT at itinanong namin kay Sheryl Cruz kung totoong masugid ang panliligaw sa kanya ng kilalang batambatang negosyante. Medyo napangiti ang aktres pero agad namang umiling at itinanggi ang isyu.

May mga nagpapalipad-hangin daw sa kanya ngayon, may mga kasamahan sa showbiz at meron din namang nasa labas ng showbiz pero hindi niya binibigyan ng importansiya ang mga ito.

Mas maigi, aniya, na showbiz career ang tututukan niya, at kung may darating man na magpapatibok muli sa kanyang puso ay mararamdaman niya ‘yun.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Sa ngayon ay zero ang love life niya. At wala pa rin siyang balak na mag-entertain ng manliligaw. Hindi pa siya ganu’n kahanda para muling buksan ang isa na namang chapter ng buhay pag-ibig niya.

Buhos ang lahat ng atensiyon ngayon ni Sheryl sa anak niyang si Ashley na lumalaking maganda at matalino at puwede na ring pumalaot sa showbiz sa susunod na mga taon.

Busy rin siya sa promotion ng kanyang bagong album. Matandaang si Sheryl ang umawit sa sikat na sikat na kantang Mr. Dream Boy.

Panay ang pasasalamat niya na nabigyan siya muli ng pagkakataong magkaroon ng album (Sa Puso ko’y Ikaw Pa Rin), na naglalaman ng ilang Japanese at Tagalog songs, original at revival.

Kamakailan ay nagpatawag ng fans day ang mga tagahanga ni Sheryl at doon niya naramdaman na buhay na buhay pa rin ang kanyang hukbo ng supporters na talagang nakikipaglaban noon sa mga tagahanga naman nina Lotlot de Leon at mga kasama niya sa grupong Triplets na sina Manilyn Reynes at Tina Paner.

Ibinalita rin ni Sheryl na kasama siya sa cast ng Strawberry Lane na kinabibilangan din nina Jake Vargas, Bea Benene, Sunshine Dizon at iba pang mga Kapuso stars.