DAGUPAN CITY, Pangasinan – Tatlong lalaking taga-Dagupan City ang iniimbestigahan ngayon kaugnay ng pamamaril sa station manager ng isang lokal na himpilan ng radyo sa lungsod na ito.
Ayon sa huling report na isinumite ni Supt. Christopher Abrahano kay Pangasinan Police Provincial Office OIC director Senior Supt. Reynaldo Biay, dakong 12:00 ng tanghali kahapon nang imbitahan ng PNP ang tatlo na hinihinalang suspek.
Sinabi ni Abrahano na ilang anggulo ang tinitingnan ngayon, kabilang ang personal na galit, trabaho o maaaring may nakaalitan si Orly Navarro, 55, may asawa, station manager ng DWIZ Dagupan, at residente ng 179 Pantal District, Dagupan City.
Nabatid na pauwi na si Navarro at naglalakad sa crossing ng Kalye 29 Street at Nable Street sa Pantal West dakong 1:00 ng umaga kahapon nang biglang may bumaril sa kanyang likuran.
Dahil maagap si Navarro sa pagtawag sa kapwa media ay agad siyang nasaklolohan at mabilis na nakapagresponde ang Dagupan City Police kaya naisugod siya sa Pangasinan Medical Center.
Patuloy pang inoobserbahan ng mga doktor ang biktima at ooperahan para tanggalin ang bala sa kanyang likuran.
Samantala, kinondena ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP)-Pangasinan, ang insidente at nagpahayag ng suporta para sa masusing imbestigasyon sa pamamaril.
Napag-alaman kay Jay Mendoza, pangulo ng KBP-Pangasinan, na isa sa mga tinitingnang motibo ang usapin sa ilegal na droga sa Dagupan dahil sunud-sunod ang pagpuna rito ni Navarro sa mga nakalipas na araw.
Tiniyak naman ni Abrahano na agad reresolbahin ang pamamaril at aalamin ang pangunahing suspek sa insidente. (LIEZLE BASA IÑIGO)