NAKAKILABOT ang sunud-sunod na pamamaslang na kagagawan ng mga riding-in-tandem sa iba’t ibang sulok ng kapuluan. At ang lalong nakababahala ay ang tila kawalan (o kakulangan) ng kakayahan ng mga alagad ng batas na mabawasan kundi man ganap na masugpo ang kriminalidad. ang riding-in-tandem ay mas angkop taguriang criminals-in-tandem.
Marami nang estratehiya ang inilatag upang mahadlangan ang pananampalasan ng mga nabanggit na mga kriminal. Naroong ipagbawal ang pag-aangkas sa motorsiklo, lalo na kung ang mga ito ay kapwa-lalaki, tulad ng isinasaad sa ilang ordinansa ng local government units. Pinahihintulutan lamang ang pag-aangkas ng mag-asawa o malapit na magkamag-anak. ano ang garantiya na ang ganitong utos ay makasusugpo sa masamang balak ng mga kriminal? hindi ba marami na ring pagkakataon na ang karumal-dumal na krimen ay isinagawa ng mga lone gunman? Kahit na nag-iisa lamang ang nakasakay sa motorsiklo, samakatuwid, naroon pa rin ang pangamba na ito ay isang kriminal. Maging ang sinasabing palimbag ng plate number sa helmet at sa likuran ng tsuper ay isang panukalang walang lohika.
Kaisa tayo sa paulit-ulit na nagpapaalala sa lahat ng sektor na ang pagsugpo sa kriminalidad ay nakasalalay sa sama-samang pagsisikap ng sambayanan. Siyempre, nangunguna rito ang mga alagad ng batas na may sapat na kakayahan at kagamitan sa paglipol ng mga kriminal. Malaking bagay, halimbawa, ang puspusang paglalatag ng mga check-point upang marekisa ang posibleng mga armas na taglay ng sinuman. ang palaging pagmamatyag sa kahina-hinalang galaw ng mga motorista ay isang hadlang sa balak ng mga kriminal. Marapat na ito ay tambalan ng totohanang intelligence effort, lalo na sa mataong mga lugar.
Malaki ang partisipasyon ng mga lider ng barangay sa pagmamanman ng masasamang elemento sa kanilang mga nasasakupan. Batid nila, halimbawa, kung sinu-sino ang mga bagong mukha sa mga barangay na posibleng maghasik ng karahasan. Tayong lahat ay makatutulong nang malaki sa paglipol hindi lamang ng mga criminal-in-tandem kundi maging ng mga sugapa sa droga na laging nagpapalubha ng problema sa kriminalidad. Lalo nating paigtingin ang ganitong pagsisikap.