Nakamit ng University of Santo Tomas (UST) ang solong pamumuno sa women’s division matapos na magwagi ang rookies na sina Cherry Rondina at Rica Rivera kina Michelle Morente at Jhoana Maraguinot ng Ateneo, 21-16, 21-11, sa UAAP Season 77 beach volleyball na ginaganap sa UE Caloocan sandcourt.

Tumapos na runner-up noong nakaraang taon, naitala ng Tigresses ang kanilang ikatlong dikit na panalo sa torneo na naging dahilan upang maaga silang maging paborito.

Hindi naman nalalayo sa kanila ang Far Eastern University (FEU) matapos na magwagi din sina Bernadette Pons at Charm Simborio laban kina Krysel Cueva at Francislyn Cais ng University of the East (UE), 21-19, 21-14, para sa ikalawang sunod nilang panalo.

Nakabawi naman sa unang kabiguan sa UST sina Kim Fajardo at Cyd Demecillo ng De La Salle University (DLSU) matapos patubin ang defending champion Adamson pair nina Amanda Villanueva at Marleen Cortel, 21-19, 21-17.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Naitala naman ng National University (NU) tandem nina Jaja Santiago at Fatima General ang ikalawang sunod na panalo matapos ang unang kabiguan sa kamay ng FEU makaraang gapiin ang University of the Philippines (UP) duo nina Arylle Magtalas at Hannah Mangulabnan, 21-9, 21-12.

Dahil sa panalo, nagtabla sa 1-1 (panalo-talo) baraha ang La Salle at ang UP.

Bumagsak naman sa 1-2 kartada ang Lady Falcons habang winless pa rin ang Lady Eagles at ang Lady Warriors matapos ang unang dalawang laban.

Sa kalalakihan, gaya ng kanilang women’s team, hindi pa rin natatalo ang UST matapos ang unang tatlong laban kasunod ng kanilang paggapi sa Adamson, University, 21-17, 21-17.

Sa iba pang laban, tinalo naman ng NU ang UP, 21-14, 21-15, dinaig ng FEU ang La Salle, 21-12, 21-10, at pinayukod ng Ateneo ang UE, 16-21, 21-12, 15-13.

Dahil sa panalo, umangat ang Bulldogs, Tamaraws at Blue Eagles sa barahang 2-1 (panalo-talo) habang bumaba naman ang Falcons sa barahang 1-1.

Nanatili namang walang panalo ang Fighting Maroons, Green Spikers at Red Warriors matapos ang unang dalawang laro.