Pinangunahan ng grupong pro-PNoy na Koalisyon ng Mamamayan Para sa Reporma (KOMpre) ang isinagawang pagkilos sa Ateneo de Manila University (ADMU) kahapon.

Sinabayan ng grupo ang inilunsad na protesta ng mga anti-pork barrel fund sa Luneta kahapon.

Nakakuha ng suporta ang KOMpre mula sa iba’t ibang civil society group na naniniwala kay Pangulong Benigno S. Aquino III at sa mga repormang nagawa nito sa bansa sa loob ng apat na taong paninilbihan.

Kaugnay nito, hindi ikinabahala ni Mae Paner, alyas “Juana Change” ang idinaos na pro-PNoy rally sa Katipunan Avenue.

Mapayapa, nagkakaisang Pilipinas 'di matitinag, babangon sa gitna ng hamon—VP Sara

“Okay lang naman ‘yun, hindi ba, karapatan nila ‘yun ‘diba? Ganun talaga ang demokrasya, marami siyang boses, marami siyang kulay,” ani Paner.

Matatandaang kabilang si Juana Change sa nanguna sa signature campaign para sa People’s Initiative (PI) at protesta laban sa lahat ng klase ng pork barrel, Charter Change (Chacha), gayundin sa isyu ng term extension ng Pangulo.

Naniniwala siya na mayroon pa ring pork barrel fund kahit pa inihayag ni Budget and Management Secretary Butch Abad na wala na ito sa mga susunod na budget.