Isa ang jeepney-inspired popemobile sa mga pinagpipilian upang gamiting sasakyan ni Pope Francis sa kanyang pagbisita sa bansa sa Enero 15-19, 2015.

Ayon kay Henrietta de Villa, dating Philippine ambassador to the Vatican at bahagi ng preparatory committee para sa papal visit, sa kasalukuyan ay maraming suhestiyon silang pinagaaralan upang gawing popemobile ng Santo Papa, at isa na aniya rito ang behikulo na mukhang jeepney.

Nakuha umano nila ang ideya sa katatapos na pagbisita ni Pope Francis sa South Korea na ito sa simple at localbuilt na behikulo.

Gayunman, nilinaw ni de Villa na hindi siya ang in-charge sa naturang bagay at wala pa aniyang pinal na desisyon hinggil dito.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Nothing is fixed yet,” ani De Villa. “I’m not actually the one in charged of this but I think there are suggestions for a jeepney that is open on top.”

Nabatid na sa kanyang pagbisita sa South Korea ay humiling ang Santo Papa ng isang compact car bilang sasakyan ngunit sa nalalapit na pagbisita sa Pilipinas ay wala naman aniya itong kahalintulad na hiling.

Posible rin umanong maisapinal ang mga bagay-bagay sa papal visit, tulad ng popemobile, sa Nobyembre, sa pagbalik sa bansa ng Vatican team na nag-inspeksyon sa ipinanukalang itinerary para sa papal visit sa Maynila at Leyte.

Ang jeepney ay isa sa pinakaordinaryo at pinakamurang uri ng public transportation sa Pilipinas.