Inihayag ng United Nationalist Alliance (UNA) na ang paksiyon ng Liberal Party, na pinangungunahan nina Budget Secretary Florencio “Butch” Abad at Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang nasa likod ng isinusulong umano na no-election scenario upang masigurong mananatili ang mga ito sa puwesto at makakaiwas sa criminal liability kaugnay ng pagpapatupad ng Disbursement Acceleration Program (DAP).

Inakusahan ni UNA secretarygeneral, Navotas City Rep. Tobias “Toby” Tiangco, sina Abad at Roxas ng pagpaplano sa aniya’y “unconstitutional” na hakbangin, na mas malala pa umano sa ipinapanukalang ikalawang termino para sa Pangulo.

Sinabi ni Tiangco na nabuking ang nasabing plano dahil sa hindi magkakatugmang pahayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, na iwinasto ang nauna niyang pahayag na posibleng hindi matuloy ang itinakdang eleksiyon sa 2016.

“Sa kadaldalan ni Lacierda nabuking tuloy ang plano nilang No Election. Mas malala pa pala sa lifting of term limits ang plano ng Abad-Mar faction ng LP. his shows total disrespect for the Constitution. This shows that they will do anything to stay in power, sa takot nila sa criminal liability nila sa DAP at sa iba pang tinatago nila,” saad sa pahayag ni Tiangco.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sa isang panayam, sinabi ng kongresista na may mga miyembro ng Liberal Party na tumututol kina Abad at Roxas.

“Hindi naman solid ang LP sa kalokohan nina Abad at Mar,” ani Tiangco.

Itinanggi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda ang isang no-election scenario kahit pa wala pang desisyon si Pangulong Benigno S. Aquino III sa panukalang term extension o sa pagendorso ng papalit sa kanya.