Maging si Sen. Francis “Chiz” Escudero, personal na kaibigan ni Pangulong Noynoy at dating magkasama sa Kamara noon, ay tahasang nagsabi na kokontrahin niya ang ano mang pagkilos upang susugan ang 1987 Constitution, lalo na ang planong term extension na magpapahintulot kay PNoy o sino mang incumbent president, na tumakbong muli sa panguluhan. Ano ba ang nangyayari kay PNoy? Di ba niya alam na labag sa Saligang Batas ang pagpapalawig sa termino ng Pangulo na itinakdang 6 taon lang at walang reeleksiyon? Di ba niya pahahalagahan ang legacy ni Tita Cory na tumangging palawigin ang kanyang termino? Anyway, parang nagbabago na yata ang isip ni PNoy matapos malamang ayaw ng kanyang mga “Boss” ang Cha-Cha.

Para kay Pope Francis, may katwiran ang international community na labanan ang Islamist militants sa Iraq na nais magtatag ng Islamic State sa bansa o Islamic Caliphate sa Syria at Iraq. Nais din daw ng Papa na bumisita sa US sa susunod na taon at handa ring bumisita sa China kung siya ay papayagan ng Beijing government. Nang tanungin ng mga reporter na kasama sa biyahe sa South Korea kung pabor siya sa air strikes ng US sa mga lugar sa Iraq na pinamumugaran ng Islamic State insurgents, tumugon siya na sa ganitong mga kaso ng di-makatwirang agresyon ng Islamists, tama lang na pigilan ito. Isipin ninyo, pinag-uusig ng militants o ISIS ang mga Kristiyano at iba pang minorities, pinapatay at isinasailalim umano sa infibulations ang mga babae o clitoralectomy.

Samantala, sa kabila ng ebola virus outbreak sa West Africa na kumitil na ng maraming buhay, apat na Filipino missionary mula sa Order of Augustinian Recollects (OAP) ang nagpasiyang manatili sa Sierra Leone para tumulong sa mga biktima at ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo roon. Sila ay sina Bro. Jonathan Jamero; Fr. Roy Baluarte; Fr. Russell Lapidez; at Fr. Dennis Castillo. Mabuhay kayo, ingat sa Ebola!

Pinipilit ni Speaker Sonny Belmonte na walang anomalya sa P229.6 milyong milk feeding programs ng 52 mambabatas na pinondohan ng Disbursement Acceleration Program (DAP). Maging siya ay binigyan din yata ng pondo para rito. Sabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Tell that to the Marines.”
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente