Sasailalim ngayon ang mahigit sa 20 miyembro ng Philippine Weightlifting Association (PWA) national at training pool sa tryout na siyang dedetermina sa pagsabak sa iba’t ibang weight category sa 2015 Southeast Asian Games at maging ang Asian at World Championships at Rio de Janeiro Olympics.

Sinabi ni PWA national head coach Alfonso Aldanete at assistant coach at Olympian na si Greg Colonia na maliban sa gaganaping open tryout ay susubukin din ng 17th Asian Games bound na si Nestor Colonia na maabot ang gold medal standard sa ganap na alas-9:00 ng umaga sa Rizal Memorial weightlifting center.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“All of our national and training athletes will have to lift as part of their re-evaluation in the team. Part din ito ng ating monthly monitoring sa kanilang progress and also para sa kanilang selection sa 2015 Singapore SEA Games,” pahayag ni Aldanete.

Asam naman ng 22-anyos at naging Asian Juniors gold medalist sa 58kg na si Colonia na maabot ang kabuuang 285 kg. na huling itinala ng naging kampeon noong 2010 Guangzhou Asian Games.

Pilit nitong aabutin ang 120kg. sa snatch at 155 kg. sa clean and jerk sa tryout na ooserbahan mismo ni PWA president Roger Dullano.

Huling itinala ni Colonia ang personal best lift na 118 kg. sa snatch at 153 kg. sa clean and jerk noong 2014 Philippine National Games (PNG) upang awtomatikong makuwalipika sa pambansang delegasyon na lalahok sa Incheon Asiad sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.

Isa din sa magtatangkang mapasama sa 2015 SEA Games ang 14-anyos at kabilang sa Asian Youth Games na si Margaret Colonia na hangad pagandahin ang kanyang nabuhat na 63kg. sa snatch at 80kg sa clean and jerk na kapwa ngayon national juniors record.

Tatangkain nitong maiangat ang 65kg sa snatch at 85kg sa clean and jerk.