Naniniwala ang Alliance of Boxing Association in the Philippines (ABAP) na ‘di mabobokya ang ipapadalang national boxing team sa gintong medalya sa pagsabak sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.

Ito ang inihayag ni ABAP head coach Pat Gaspi matapos na ilabas ang kumpletong listahan na ipinasa nila sa POC-PSC Asian Games Task Force kung saan ay walong mga boksingero sa men’s at women’s team ang isasabak sa kada apat na taong torneo.

Ang koponan ay binubuo ni London Olympian Mark Anthony Barriga (light flyweight), flyweight Ian Clark Bautista, bantamweight Mario Fernandez, lightweight Charly Suarez, light welterweight Dennis Galvan at middleweight Wilfredo Lopez.

Sasabak naman sa kababaihan si flyweight Josie Gabuco habang sa lightweight si Nesty Petecio.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Hindi makakasama sa koponan ang huling nag-uwi ng gintong medalya sa bansa na si Rey Saludar na nagkaroon ng shoulder injury.

Nakareserba naman sa lighflyweight si Rojin Ladon, Roldan Bongcales sa flyweight, Junel Cantancio sa lightweight at Joel Bacho sa light welterweight. Nakaantabay naman si Irish Magno sa women’s flyweight.

“Umaasa kami na hindi tayo mabobokya sa Asian Games,” sinabi ni Gaspi.

“Alam mo naman ang mga bata natin, basta laban na, patay na kung patay para sa bayan” giit pa nito.

Matatandaan na nagbulsa ang boxing team ng 1 ginto, 1 pilak at 1 tanso na naging magandang resulta ng isang asosasyon.

Ang ginto ay nagmula kay Rey Saludar sa flyweight, pilak kay Annie Albania sa women’s flyweight at tansong medalya kay Victorio Saludar sa men’s light flyweight.