Pansamantalang hindi itinuloy ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ang implementasyon ng South Transport Terminal ngayong Miyerkules dahil sa kakulangan ng koordinasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Kung kami-kami lang ang magpapatupad, hindi kaya ng lokal na pamahalaan na ipatupad ang traffic management plan. At dahil ginawa na namin ang aming tungkulin, dapat bigyan din ng responsibilidad ang ibang ahensiya ng pamahalaan,” sabi ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi.

Ayon sa pamahalaang lungsod, hiningi nito ang katiyakan mula sa LTFRB, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Filinvest Corporation sa pagtutulungan sa pagmamantine ng trapiko sa Muntinlupa sa pagpapatupad ng South Transport Terminal.

Subalit iniwan umanong nakabitin ng LTFRB ang isyu sa bus tagging, kaya nag-alangan ang pamahalaang lungsod na ipursige ang plano.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Batanes

Base sa plano, aabot sa 556 na out-of-line provincial bus ang hindi na papayagang makabiyahe sa EDSA at sa halip ay magbababa at magsasakay na lang ng mga pasahero sa South Transport Terminal sa Alabang.

Sinabi ni Fresnedi na hinihintay pa nila ang tugon ng LTFRB hinggil sa koordinasyon ng mga bus operator para sa salitan sa ruta.

Plano ng LTFRB na gamitin ang tagging system sa mga bus at magpapalabas ng listahan ng mga operator mula sa data base nito bilang kanilang responsibilidad sa pagmamando sa trapiko. - Jonathan Hicap