BUGBOG na ang paksa hinggil sa paggunita at pagpapahalaga sa ating sariling wika. At batid na nating lahat na si Presidente Manuel L. Quezon ang Ama ng Wikang Pambansa. Subalit mananatiling nag-aalab sa ating kaibuturan ang pagtatanggol at pagmamahal sa Filipino – ang wikang sarili ng mga mamamayang Pilipino.

Gayunman, kabilang ako sa mga hindi nagsasawang dumakila sa ating wika. Maaaring isang kabalintunaan sapagkat ako ay tunay na Ilocano. Subalit sa mula’t mula pa lamang, ito na ang wikang kinagisnan ko at niyakap hanggang sa ating pagsusulat, kahit paano, ng halos lahat ng sangay ng panitikan.

Ito marahil ang dahilan ng ating panggagalaiti kapag may mga nagtatangka na lumpuhin ang ating wika upang mapairugan lamang ang makasariling kapakanan o interes; upang itago lamang ang mga pagkukunwari sa pagtangkilik ng Filipino. Hindi ba pati ang ilang institusyong pang-edukasyon ay nagmamagaling sa pagtatanggol sa mga wikang banyaga; mistulang minamaliit ang ating wika?

Ang ganitong mga balakid ang kaagad winasak ni Presidente Quezon nang kanyang buhayin ang Surian ng Wikang Pambansa upang linangin, paunlarin at palaganapin ang Filipino – na noon ay tinaguriang Tagalog. Maliwanag na nakita niya na ito nga ang wikang magbubuklod at magpapatatag sa ating lipunan. Ngayon, hindi pasisinungalingan na ang Filipino ay nauunawaan, binibigkas at isa nang tulay ng pagkakaunawaan ng ating mga kababayan mula Batanes hanggang Jolo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pagkakataong ito ay hindi marahil isang kalabisang pag-ukulan ng walang hanggang pagdakila si Presidente Quezon. At sa pagkakataon ding ito, hindi pa marahil huli ang lahat upang paabutin ko sa pamunuan ng Lungsod ng Quezon, lalo na noong panahon ni Mayor Ismael Mathay, Jr., ang aking pasasalamat sa pagkakaloob sa akin ng Gawad Manuel L. Quezon sa larangan ng pamamahayag.

Ang pasasalamat sa karangalang ito, na naihahabol din, ay isang makabuluhang paggunita na lalo pa nating mahalin at iluklok sa pinakamataas na pedestal ang Filipino – ang wika ng pagkakaunawaan na sumagisag sa pagkamakabayan.