SA isa pang pagkakataon, nakadama ng konting pagmamalaki ang kolumnistang ito bilang isang dating guro. Ipinahayag kasi ng Magsaysay Awads Foundation na kabilang sa mga nahirang na pagkakalooban ng Ramon Magsaysay Award sa taong ito ay isang simpleng guro sa isang bulubunduking barangay sa Davao. Kabilang kasi sa hindi masyadong binibigyan ng pagpapahalaga na propesyon sa bansa ay ang mga guro. Di tulad ng mga abogado at mga doktor, may kababaan ang patingin nila sa mga guro. Samantalang sa aminin at hindi, ang mga guro ang unang humuhubog sa wala pang malay na kaisipan ng isang bata.
Sa ating gobyerno, ang mga guro ang huling napagkakalooban ng biyaya kung meron man. Ang mga guro ang may pinakamahirap at maraming trabaho, ngunit pinakamaliit ang sinusuweldo. Kapag may bahagyang problema, guro; kapag may kalamidad, guro; at kapag may eleksiyon, guro pa rin. Sa mga maituturing na propesyunal sa bansang ito, pinakaapi ang kalagayan ng mga guro. Salamat at napansin ng Magsayasay Awards Foundation ang isang dakilang guro.
Ang guro ay si Randy Halasan, 31 taong gulang at nagtuturo sa isang tago at bulubunduking barangay sa Davao. Pitong taon na siyang nagtuturo sa Pegalongan Elementary School sa Davao na halos ay maitututring na nga sa kaawaawang kundisyon. Ang tinuturuan niya ay mga anak ng mahihirap na tinatawag na tribung Matigsalug na nagsisispanirahan sa isa sa pinakamahirap at liblib na barangay sa Davao City. Para makarating sa Pegalongan mula sa tinitirhan ni Halasan sa lungsod ay kinakailangang maglakbay siya ng pitong oras dalawang oras sa bus, isang oras sa “habal-habal” na isang uri ng motorsiklo at maglakad ng apat na oras na tatawid sa dalawang ilog, ayon ito sa foundation.
Ang mga katangian ni Halasan ang naging susi para mahirang isa sa pagkakalooban ng Ramon Magsayasay Awards. Ang iba pang pagkakalooban ng pagkilala ay sina Hu Shuli ng China, Saur Marlina Manurung ng Indonesia, Omara Khan Masoudi ng Afghanista, Wang Canfa ng China at ang The Citizens Foundation ng Pakistan. Tanggapin mo ang pagsaludo ng kolumnistang ito Mr. Hasan!