NOONG 2010, inihalal ng sambayanang Pilipino ang noon ay Senador Benigno S. Aquino III sa paniniwalang itataguyod niya ang mga simulain at adhikain ng kanyang mga magulang, sina ex-Sen. Ninoy Aquino na pinaslang sa tarmac ng noon ay Manila International Airport, at ex- Pres. Corazon Cojuangco Aquino, ang itinuturing Icon of Democracy. Walang kabalak-balak si PNoy na kumandidato dahil ang “manok” ng Liberal Party noon ay si ex-Sen. Mar Roxas. Namatay si Tita Cory noong Agosto 1, 2009 at nakita ng madla ang pagdadalamhati ng mga tao sa kanyang pagyao. Dahil dito, hiniling ng kanyang mga kapanalig na siya ang tumakbo upang ang mga pamanang naiwan nina Ninoy at Tita Cory sa bansa ay manatili at kanyang maipagpatuloy.

Gayunman, laking sorpresa ng kanyang mga “Boss” nang kanyang ipahiwatig kamakailan na bukas siya sa pag-aamyenda sa Saligang-Batas at bukas din siya sa posibleng pag-aalis sa six-year term ng Pangulo ng Pilipinas. Noong siya ay kongresista at senador pa hanggang sa mga unang taon ng kanyang pag-upo sa trono ng Malacañg, matindi ang kanyang pagkontra sa Charter Change.

“Mr. President, what is happening to you?” bungad sa akin ng palabiro pero sarkastikong kaibigan habang humihigop kami ng mainit na kape matapos mag-jogging. “Ano ba ang nangyayari kay PNoy”, segunda ni Tata Berto. Hinayaan kong mag-usap ang dalawa at nakinig lamang ako. Naisip ko, si PNoy ay ibinoto ng mga Pinoy dahil sa adbokasiyang puputulan ng pangil ang kurapsiyon, iaangat ang kalagayan sa buhay ng mga mahirap at sila ay gigiyahan sa Tuwid na Daan. Maging ang mga mambabatas ay nag-warning kay PNoy hinggil sa pagpapalawig ng kanyang termino at pag-clip sa kapangyarihan ng Supreme Court dahil lamang sa pagdedeklara nitong unconstitutional and Disbursement Acceleration Program (DAP).

Ginoong Noynoy na ama ng may 100 milyong Pilipino, kapag napahikayat at napasunod ka sa mga taong nakapaligid sa iyo para isulong ang Cha-Cha upang ikaw ay makakandidatong muli sa 2016, tiyak na ang maiiwan mo ay PAMANANG-GALIT sa bayan. At sakaling ikaw ay payagang tumakbong muli, nakasisiguro ka bang muli kang ihahalal ng mga mamamayan?
National

4 na senador, binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill