Matapos ang 10 araw na rehabilitasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa southbound Magallanes Interchange sa lungsod ng Makati, bubuksan muli ito sa maliliit na sasakyan ngayong Lunes, 5:00 ng madaling araw.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Agosto 20, dakong 5:00 ng madaling araw sa Miyerkules ay maaari nang daanan ang Magallanes Interchange Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino magdadagdag siya ng traffic enforcer na magmamando ng trapiko sa naturang lugar bago pa man buksan ang nasabing kalsada. Noong nakaraang linggo,pansamantalang isinara ng DPWH ang 39-anyos na istraktura para kumpunihin ito na nagdulot ng mas mabigat na daloy ng trapiko partikular sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).
Agad nagpatupad ng re-routing scheme ang MMDA at pinayuhan ang mga motorista na magtutungo sa South Luzon Expressway at Alabang, Muntinlupa na dumaan sa Osmeña Highway-Magallanes Service Road dahil sarado ang southbound lane ng Magallanes Interchange simula noong Agosto 8 hanggang 17.
Inaasahang maiibsan na ang kalbaryo ng mga motorista sa sikip ng trapiko sa EDSA sa pagbubukas muli ng inayos na Magallanes Interchange.