Ni CHARISSA M. LUCI

Tiniyak kahapon ng pamunuan ng Kongreso na tutupad ito sa resolusyon ng Korte Suprema na nag-aatas sa Ehekutibo at Lehislatibo na magkomento sa petisyon na magpapalawak sa saklaw ng desisyon nito sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP), isang hakbangin na “waste of time” lang para sa isang mambabatas mula sa oposisyon.

Sinabi ni Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. na tatalima ang Kongreso sa resolusyon ng Supreme Court (SC) noong Agosto 5 na nag-uutos na tumugon sa partial motion for reconsideration na inihain ng mga petitioner, sa pangunguna ni dating Manila Councilor Greco Belgica.

“Of course, we will abide by the SC order,” ani Belmonte, kahit na muli niyang iginiit na mabuti ang intensiyon sa pagpapatupad ng DAP.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Ngunit sinabi ni Isabela Rep. Rodolfo “Rodito” Albano na “waste of time” lang para sa Malacañang at Kongreso ang paghahain ng komento dahil nakapagdesisyon na ang kataas-taasang korte tungkol sa kontrobersiyal na economic stimulus program ng gobyerno.

“There is no need to answer anything. Also, the Supreme Court can’t reverse itself already on the two issues—PDAF and DAP,” aniya.

Noong nakaraang buwan ay naghain ang Malacañang ng motion for reconsideration, sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General, para igiit na naaayon sa batas ang implementasyon ng DAP.

Kinontra naman nina Deputy Majority Leader at Citizens Battle Against Corruption Party-list Rep. Sherwin Tugna at AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, kapwa abogado, ang pahayag ni Albano, sinabing dapat na gamitin ng Kongreso at ng Malacañang ang nasabing oportunidad para maisalba ang DAP at makumbinse ang Korte Suprema na mabuti ang intensiyon ng huli.