Patay ang isang basurero, na unang iniulat na biktima ng hit and run, matapos na tarakan sa tiyan ng hindi kilalang suspek habang nangangalakal sa Ayala Bridge sa Ermita, Manila bago maghatinggabi noong Sabado.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, ang biktima ay nakilalang si Jun Bora, 45, at walang permanenteng tirahan.

Lumilitaw sa ulat ng pulisya na huling nakitang buhay ng kanyang live-in partner na si Maricel Tarre, 31, ang biktima dakong 11:00 ng gabi habang may hawak na plastic bag na may lamang dumi sa Ayala Bridge.

Gayunman, matapos ang kalahating oras ay namataan umano ito ng motoristang si Joseph Kenneth Sampio na duguan at naghahabol ng hininga sa naturang tulay.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Unang inakala ng pulisya na nabiktima ng hit and run si Bora ng isang hindi naplakahang taxi. Ngunit kinalaunan ay nadiskubre ng awtoridad na may isang tama ito ng saksak sa tiyan.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung sino ang may kagagawan ng krimen at kung ano ang motibo nito.