Isang miyembro ng Philippine Army na taga-Rizal ang isa sa mga napili sa “The Outstanding Philippine Soldiers (TOPS)” ngayong taon, isang proyektong inilunsad ng Metrobank Foundation Inc na katulad ng pagkilala sa mga natatanging guro at mga tauhan ng Philippine National Police na sa lalawigan ng Rizal ay dalawa nang pulis ang kasamang pinarangalan. Ang una ay isang miyembro ng Taytay police station. Ang pangalawa ay isang babae na miyembro naman ng Antipolo City police station.
Ang natatanging kawal na Rizaleño ay si Master Sergeant Aladin Dacayanan ng Antipolo City, Rizal na sa pagkapili ay nakabilang sa Philippine Army Enlisted Personnel category. Sa tagumpay na ito ni MSgt. Aladin Dacayanan, kasama siya sa talaan ng mga natatanging kawal ng bansa na pararangalan at tatanggap ng gantimpalang tropeo at cash mula sa Metrobank Foundation na nagtataguyod ng proyekto ng pagpili sa TOPS. Bilang isang kawal, si Dacayanan ay nagpamalas ng kanyang pambihrang initiative o pagkukusa sa gawain sa mga combat at civil oepration ng ating mga kasundaluhan.
Sa ngayon, si Dacayanan ay naka-assign sa Intelligence Service for the Western Command ng Armed Forces of the Phlippines (AFP) na naka-base sa Palawan. Sa pagwawaging ito ni Dacayanan, inirekomenda ni Rizal Governor Rebecca Nini Ynares sa Sanggunian Panlalawigan na pagkalooban siya ng nararapat na pagkilala Ayon kay Rizal Gob Ynares, si Dacayanan ay isang magandang inspirasyon bilang huwarang kawal. Ang lalawigan ng Rizal at ang mga mamamayan nito ay ipinagkakapuri ang pagkakaroon ng isang natatanging sundalong Rizaleño ang ating bansa.
Kaugnay ng pagkakaloob ng pagkilala, ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay binigyan naman ng pagkilala si Tanay, Rizal Mayor Lito Tanjuatco dahil sa kanyang suporta sa mga anti-illegal drug program ng ahensiya. Ang pagbibigay ng recognition kay Mayor Litto Tanjuatco ay ginawa kasabay sa pagdiriwang ng ika-12 Anibersaryo ng PDEA na ginanap kamakailan sa punong tanggapan nito sa Quezon City.
Kinilala ng PDEA ang mga inisyatiba ni Mayor Lito Tanjuatco na kaugnay ng vision ng ahensiya na “Drug-free Philippines” at halos walang tigil na kampanya sa illegal drugs.