Tutularan ng East Timor ang ipinapatupad na Charter ng Philippine Sports Commission (PSC) upang magsilbing funding arm ng kanilang national sports program at pagkukunan ng talento sa grassroots development para sa pagpalalakas ng kanilang kampanya sa lokal at internasyonal na torneo.

Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia, umalis kahapon patungong Nanjing, China upang suportahan ang pito-kataong delegasyon na sasabak sa 2nd Youth Olympic Games, na hiniling ng bumisitang si Commission F President at Member of Parliament Virgilio da Costa Hornai na gayahin ang responsibilidad ng ahensiya.  

“They requested for a copy of the PSC Charter and then later on for a complete explanation. They said they will also create the same agency although they will have to change some articles because unlike us here, they don’t have casino’s which is our main source of fund. They only have small town lotteries,” sinabi ni Garcia.

Maliban sa pagpapatibay sa malalim na pakikipagkaibigan, nagkasundo din ang ahensiya at ang delegasyon ng East Timor para sa pagpapadala, pag-aaral at pagsasanay ng kanilang mga atleta sa bansa.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Dumating sa bansa si Hornai noong Huwebes ng tanghali kung saan, matapos ang mahabang pakikipagpulong sa PSC Board sa pangunguna ni Chairman Garcia at mga commissioner na sina Atty. Jose Luis Gomez, Iggy Clavecilla, Salvador Andrada at Gillian Akiko Thomson, ay agad din itong nagbalik sa kanilang bansa.

Isa si Hornai sa pitong presidente sa National Parliament ng East Timor kung saan ay hawak nito ang Committee F na nakatalaga sa Health, Education, Culture, Veterans at Gender Equality. May 7 committee sa East Timor National Parliament.  

Ang mga komite ay specialized bodies sa Parliament na nagbibigay advice at gumagawa ng rekomendasyon sa plenary authority hinggil sa mga batas o desisyon hinggil sa kanilang mga hurisdiksyon.

Asam naman ng PSC na mapalawak pa ang magandang pakikipagsamahan sa kalapit na East Timor para sa mas komprehensibong kooperasyon sa ibang aspeto na tulad ng sports at posibleng pagkakaroon ng isang memorandum of understanding.

Kasama ni Hornai sina East Timor Ambassador to the Philippines Juvencio De Jesus Martias, Parliament Secretary Bendita Moniz Magno at member Ilda Maria de Conceicao, Domingas Alvers da Silva, Eladio Fuculto de Jesus, Antonio Serpa Ximenes at Leonae Lisboa Marcal 

Kabilang din sa delegasyon si First Secretary of the East Timor Embassy in Manila na si Ma. Mesquita Gusmao, Education attaché to the East Timor in Manila na si Mariano Duarte Carmo, technical staff Vitorino Berges de Deus at Cristovao Pereira at maging ang International adviser na si Lucia Leite at mamamahayag na sina Fatima Maia at Luis Neves.