Noong Linggo, nagdudumilat ang banner story ng isang broadsheet: “Binay open to Mar tie-up.” Totoo nga yatang walang imposible sa pulitika. Na kahit ano ay posibleng mangyari. Ibig bang sabihin nito ay kalilimutan na ni Vice President Jojo Binay ang matinding hinanakit kay DILG Sec. Mar Roxas bunsod ng protesta nitong inihain sa Supreme Court laban sa kanya pagkatapos ng 2010 elections?

Gayunman, may mga umiikot na sapantaha, kuru-kuro at opinyon mula sa diumano ay mga political analyst, coffee shop habitues at columnists kung ang tambalang ito ay kakatigan ng ginoo ni TV broadcaster Korina Sanchez. Samakatwid, tatawagin ang tandem bilang BIN-MAR o JO-ROX! Hindi “Chlorox”.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Naniniwala rin si Binay na posible ang koalisyong Liberal Party-United Nationalist Alliance para sa 2016 presidential elections. Hindi kaya tututulan ito ni Rep. Toby Tiangco, UNA spokesman, na panay ang banat kay PNoy at sa administrasyon? Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Eh papaano ngayon ang lumulutang na BIB political party ni VP Binay?”. Sabad ni Tata Berto: “Di ka na nasanay sa mga biro at patudsada ng mga radio at TV reporter.”

Samantala, sinabi noong Linggo ni Manila Mayor Joseph Estrada na mananatili si Binay bilang standard bearer ng UNA sa 2016. Kakausapin daw niya si VP tungkol sa isyung ito. Papaano Mr. Mayor kung hindi pumayag si Rambotito, este VP Jojo, sa suhesityon mong manatili sa UNA? Bubuwagin na yata ito at magtatayo ng brand-new political party? Itutuloy mo ba ang bantang lalabanan mo si Binay kapag nakipag-alyansa siya sa LP ni PNoy?

Kung magulo sa Pilipinas sa larangan ng pulitika at mga bakbakan sa ilang panig ng Mindanao, aba mas matindi ang kaguluhan sa ibang parte ng mundo. Matindi ang labanan ng Israel at Hamas sa Gaza. Marami nang nasawi roon, kabilang ang mga inosenteng bata at babae. Sa Syria, umiiral ang giyera sibil, libu-libo na ang namatay. Sa Iraq, binobomba ng US ang mga lugar ng ISIS na nagnanais magtatag ng isang Jihadist Republic.

Mahal na Hesukristo, kelan kaya mananaig ang kapayapaan sa tinubuan mong lupa? Kelan kaya mapaparam ang pagdanak ng dugo ng mga Jew at Arab?