PAGKATAPOS ang mga pulitiko, si Major general Jovito Palparan naman ang isinunod ng batas. Mahaba talaga ang kamay ng batas. Ke sino ka man, ano man ang kalagayan mo sa buhay, yuyukod at yuyukod ka sa batas kapag nilabag mo ito. Maaring ang lumabag ay magpasasa sa maigsi o mahabang panahon sa krimeng ginawa niya pero may hangganan ito. Kasi nga “law abhors injustice”.

Pero, malaki ang pagkakaiba ng mga pulitiko at ni Palparan pagkatapos na masukol sila ng batas. Handa akong magpakulong kahit saan ako ilagay, wika ni Palparan. Hindi aniya ako magpapa-hospital arrest. Hindi gaya ni Palparan, marunong pa sa batas ang mga pulitiko at ang kanilang kasabwat sa krimen laban sa taumbayan kung saan sila ikukulong. napakalusog at napakakisig nila nang kanilang tinatamasa ang bunga ng kanilang krimen, subalit nang sila ay matimbog, bigla silang nagkasakit. Kung sila ang masusunod ay nais nilang sa ospital sila mapiit. Ayaw nilang may kasama silang daga at ipis sa loob ng kanilang selda.

Sino ba ang mga taong kinainitan ni Palparan noong siya ay nasa serbisyo? Ang dahilan kung bakit nakademanda siya ay ang pagkawala ng dalawang babaeng nasa kasibulan pa ng kanilang buhay. tinulungan at tinuruan nila ang mga magsasaka bago sila naglaho. Kauri nila ang mga nangamatay sa bawat lugar kung saan si Palparan ay nadestino. Kay Palparan, rebelde ang mga ito. Pero sila ang lihim at maingay na tinutuligsa ang masamang pagmamalakad ng gobyerno na ikinasasama naman ng mamamayan. Sila iyong mga mamamayan din na nagreklamo sa labis na pagabuso sa kapangyarihang ipinagkaloob nila sa mga nanunungkulan. Kaya ang naging papel ni Palparan ay patahimikin at gawing mapayapa ang bansa upang iyong mga taong tulad niya, na ang ilan ay nasa kamay na ng batas, ay magawang gawin ang kanilang krimen laban sa taumbayan ng walang sagabal. Ang pagkakaiba lang ni Palparan sa mga pulitikong nakakulong ngayon ay siya ay humihiling ng matinding seguridad. Hindi ba ito ang dapat sanang ibinigay niya sa mamamayan, anuman ang kanilang paniniwala at paninindigan, nang tangan niya ang armas na ipinagkaloob nila sa kanya at sumasahod siya buhat sa kanilang buwis?

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho