LEGAZPI CITY – Wala pang isang buwan matapos hagupitin ng bagyong Glenda, langkaylangkay kung magdadatingan ang mga banyagang turista sa Albay.
Masayang sinalubong sa bagong Albay International Gateway (AIG) dito noong Agosto 8 ang 154 Chinese tourist, sakay ng Cebu Pacific direct flight mula sa Xiamen, China.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, bunga ito ng pinaigting na programa sa turismo ng lalawigan, na mabilis na kumilos upang makabangon agad ang lalawigan partikular na sa sektor ng turismo mula sa hagupit ni Glenda.
Ang unang grupo ng may 300 Chinese tourist ngayong taon ay dumating noong Enero, sakay ng dalawang eroplano ng Philippine Airlines mula din sa Xiamen. Sa Albay sila nagdiwang ng Chinese New Year.
Itinatag ang AIG sa ilalim ng Executive Order 29, kung saan itinalaga ang Legazpi City bilang isang ‘international gateway’ para sa mga direct flights mula sa mga foreign tourism market. Ito ay itinuturing na isang breakthrough sa turismo para sa isang LGU at nakipagugnayan ang Albay sa mga world capitals. China, Korea at Taiwan ang mga unang target.
Sa 2016 pa bubuksan ang ginagawang Bicol International Airport sa bayan ng Daraga ngunit, ayon kay Salceda, “hindi kailangang iyon ay hintayin pa ng mga foreign tourists para ma-enjoy nila ang nakaeengganyong mga karanasan sa Albay.”
Idineklara ng Department of Tourism ang Albay bilang pinakamabilis na sumusulong na tourism destination sa bansa. Nagtalata ito ng 66% growth noong 2013. Sa tulong ng AIG, inaasahang mapapanatili ang pagsulong na ito.
Isang kilalang economist, sinabi ni Salceda na maaari itong mag-generate ng mga P6.5 bilyong revenue sa isang taon, o limang beses ng taunang budget ng AIG. Ito ay batay sa hinihinuhang paggasta ng isang foreign tourist ng mga $1,000 bawat araw sa loob ng limang araw na ilalagi niya sa Albay, na makatulong naman sa paglikha ng maraming trabaho at hanap-buhay para sa mga Albayano.