Naaresto ang isang mataas na lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CCP-NPA) makaraan magbakasyon ito sa pamilya sa Iloilo City ng Miyerkules ng gabi.
Ang naaresto ay kinilalang si Eduardo Esteban, 60, ng Ilocos-Cordillera Regional Committee na nakatakdang sampahan ng kasong murder sa Bangued, Abra.
Ayon kay Major Ray Tiongson, public information officer ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army (PA), si Esteban ay nahaharap sa kaso murder at hinuli sa bisa ng warrant of arrest ng RTC Branch 2 sa Bangued, Abra.
Si Esteben, may patong sa ulo na P5.8 milyon, nadakip sa Landheights Subdivision sa Barangay Buntatala, Jaro, Iloilo City ng pinagsanib na puwersa ng AFP at PNP. Nakuha sa kanya ang .38 caliber revolver at mga bala.
Ayon sa Philippine Army, si Esteban ay secretary-general ng Ilocos-Cordillera Regional Committee, at umamin din na siya ang bureau chief ng communication ng grupo ng mga rebelde at kasapi ng central committee ng NPA sa ilalim ng mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon nakapiit ngayon sa Camp Crame.