Umaasa ang Philippine Weightlifting Association (PWA) na makakahablot ng medalya si Nestor Colonia sa paglahok nito sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Ito ay base sa isinagawang test lift ng PWA noong Sabado sa Rizal Memorial Weightlifting Training Center kung saan ay nagawang bumuhat ni Colonia ng kabuuang 285 kg. sa kategoryang 56kg., kapantay ng gintong medalyang nabuhat nito noong 2010 sa Guangzhou Asian Games.
Nakuha ng World Junior gold medalist na si Colonia na malinis na iangat ang 125 sa snatch bago isinunod ang bigat na 160kg sa clean and jerk para mapantayan ang 285kg. na itinala ni Wu Jingbiao ng China matapos bumuhat ng 133kg sa snatch at 152kg sa clean and jerk.
Matatandaan na pumang-anim lamang si Colonia noong 2010 matapos na bumuhat ng 110kg sa snatch at 145kg sa clean and jerk para sa kabuuang nabuhat na 255kg.
“Maganda ang tsansa natin dahil wala na sa weight category ni Nestor ang tatlong nanalo noong 2010,” sinabi ng Olympian at isa sa weightlifting coach na si Greg Colonia. “Iyong lift niya ay kapantay din sa bronze medal sa Olympics. Kaya medyo maganda ang pagkakataon natin ngayon sa Asian Games.“
Sariwa pa rin ang 27-anyos na si Colonia sa pagtala ng tatlong bagong weightlifting national records sa ginanap na Philippine National Games kamakailan kung saan ay napantayan nito ang Asian Games 2010 bronze medal lift na 271kg sa men’s 56kg category upang agad na makuwalipika sa Incheon.
Binura nito ang sariling rekord na 116kg national record sa snatch event sa itinalang bagong 118kg bago muling binura ang 148kg sa clean and jerk national record sa pagtala ng record lift na 153kg. Ang kabuuan nitong 271kg ay pumalit sa dating record na 264kg.
“China at Vietnam ang matinding kalaban natin dahil nakita namin noong nag-training kami sa China na talagang matindi din bumuhat. Pero tinalo iyon ni Nestor noon sa Thailand Juniors Open kaya maganda ang chance natin,” sinabi pa ni Colonia.
Samantala, masusubok naman kung makukuwalipika ngayon ang 2-time Olympian na si Hidilyn Diaz sa isasagawang performance lift ng binuong POC-PSC Asian Games Task Force, gayundin ang SEA Games long jump record holder na si Marestella Torres na gaganapin sa PhilSports Arena.
Matatandaan na napaangat ni Diaz ang kanyang sariling rekord sa binuhat na 98kg sa snatch at 120kg sa clean and jerk para sa kabuuang 218 kg subalit malayo sa qualifying standard para makapasa ito sa 17th Asian Games.