Kinumpira kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagdating sa Libya ng inupahang barko na susundo at maglilikas sa libu-libong Pinoy doon sa Huwebes o Biyernes.

Ayon kay DFA Spokesman Charles Jose, tiyak nang makararating sa Biyernes ng madaling araw ang inupahang barko galing sa Malta patungong Libya upang ilikas ang mga Pinoy pauwi sa Pilipinas.

Idinugtong pa ni Jose na ang naturang barko ay kayang magsakay ng 1,500 pasahero at kung sakaling sumobra ang bilang ng mga Pinoy na nais lumikas ay maaari naman ang panibagong schedule sa pagsundo sa mga ito.

Tatagal ng 72 oras ang biyahe ng barko sa distansiyang 330-milya mula Malta patungong Libya, at doon susunduin ang mga Pinoy na galing sa Benghazi, Misrata at Tripoli.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Sa Linggo naman posibleng maisaayos ang flight ng mga nailikas na overseas Filipino worker (OFW) pagdating ng mga ito sa Malta, na gagamiting transit point bago lumipad pabalik ng Pilipinas.

Ibinunyag ng DFA na nananatiling sarado ang hangganan ng Tunisia at Libya maging ng Libya at Egypt sa As Salloum at sarado rin ang mga pangunahing paliparan kaya inaasahang magiging pahirapan ang repatriation sa mga OFW.

Hulyo 30 nang bumiyahe si DFA Secretary Albert Del Rosario sa Tunisia upang pangunahan ang repatriation sa mahigit 13,000 Pinoy sa Libya, sa pag-alalay ng Rapid Response Team (RRT).