BAGUIO CITY - Iniulat ng Department of Agriculture (DA) na umaabot sa P1.5 milyon halaga ng vegetable crops mula sa Benguet ang nasira sa pananalasa ng magkasunod na bagyong ‘Glenda’ at ‘Henry’ na ikinalugi ng mga magsasaka.
Bagamat marami ang nalugi, nananatili pa rin ang presyo ng mga gulay na ibinagsak sa La Trinidad Trading Post, gaya ng repolyo na nasa P15 ang kada kilo.
Pero hindi maikakaila na madodoble ang presyo nito pagdating sa Metro Manila, dahil sa mga gastusin sa transportasyon at mataas na toll fee.
Kaugnay nito, sinabi ni Robert Domoguen, public information officer ng DA-Cordillera, na hihilingin nila na mabigyan ng mababang toll fee ang mga biyahero ng gulay sa Benguet upang maihatid sa Metro Manila ang mga gulay sa mababang presyo.
Sinabi pa ni Domoguen na inihahanda na ng DA regional office ang tulong sa mga magsasakang napinsala ang pananim. - Rizaldy Comanda