Pinatalsik ng Philippine Billiards Team ang defending champion Chinese Taipei, 4-2, sa kanilang naging matinding sarguhan sa quarterfinals ng 2014 World Pool Team Championship sa Tongzhou Luhe High School sa Beijing, China.

Susunod na makakasagupa ng Pilipinas, binubuo nina Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Carlo Biado at Rubilen Amit, ang host China 1 na kinabibilangan nina Li He Wen, Wu Jiaqing, Chu Bing Chia, ang Women’s World 9-Ball champion na si Han Yu at Chen Siming.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Magtatagpo rin sa semis ang China 2 at Japan sa ganap na 6:30 ng gabi.

Una munang pinaglaruan ng Pilipinas sa Round of 16 ang Indonesia, 4-0, upang mapanatili ang malinis na kartada sa loob ng apat na laban sa torneong nilahukan ng kabuuang 25 bansa. Winalis ng Pilipinas sa Group A ang Bulgaria (5-1), USA (4-2), Poland (6-0) at Indonesia (4-0).

Gayunman, hindi naging madali ang panalo ng Pilipinas kontra sa defending champion na Chinese Taipei na sinabakan nina Chang Jun Lin, Ko Pin Yi, Fu Che Wei at Chou Cheih Yu.

Naghati ang dalawang koponan sa 8-Ball singles at 8-Ball doubles, gayundin sa men’s 9-Ball at women’s 9-Ball, upang magtabla sa iskor na 2-2.

Inaasahan naman ng libu-libong Chinese fans, sa pagsisimula ng dalawang 10-Ball matches patungo sa shootout, ang kampanya ng kanilang manlalaro subalit binigo sila nina Biado at Amit.

Nabitawan muna nina Biado at Amit ang 5-2 abante at napag-iwanan pa kontra sa pares nina Fu at Chou sa 5-6 iskor.

Subalit nagpakatatag si Amit, hindi naging maganda ang paglalaro sa nagdaang linggo, at maging si Biado upang itabla ang laban sa 6-6.

Nakakuha ng suwerte ang dalawa sa huling rack matapos na walang pumasok sa break ni Fu na nagbigay daan kina Biado at Amit upang ubusin ang bola at umusad sa Final Four.

“We were lucky we didn’t lose or it didn’t go to a shootout,” sinabi ng tuwang-tuwa na si Orcollo. “I was so nervous. We want to win this for the entire Philippines. We want to make all Filipinos proud.”

Ang magwawagi sa 2014 World Pool Team Championship ay mag-uuwi ng $80,000 premyo habang ang runner up ay may $40,000 mula sa kabuuang premyo na $300,000.