Juan 12:3-5 - "Kumuha naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok. At napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!”
Para sa iba, “sayang” at “pag-aaksaya” ang pagbuhos ng pabango sa paa ni Hesus. Pero para kay Maria, hindi niya inisip ang halaga ng pabango, kundi ang halaga ni Hesus sa buhay niya.
Sa ating buhay, minsan may pagkakataong naiisip natin na “sayang” ang oras, pagod, paglilingkod, at sakripisyo na ibinibigay natin sa Panginoon. Ngunit ipinapaalala sa atin ng buhay ni Maria na ang tunay na pagsamba ay hindi nasusukat sa halaga ng materyal na bahay, kundi sa pusong handang magbigay nang buong-buo at walang pag-aalinlangan.
Kung nababasa mo ito, oo, may oras sa buhay na nakakapagod, gusto nang umatras, o sa tingin mo kulang pa ang ibinibigay mo sa Diyos, tandaan mo lang na nakikita Niya ang bawat pagpapagal mo at ang puso mo.
Ang pabango ni Maria ay “simpleng” handog niya sa Diyos. At ang ating simpleng handog ay panalangin, tahimik na paglilingkod, at pagmamahal—kahit hindi ito maunawaan ng iba.