Tila naniniwala raw si Sen. Robin Padilla na pasok na sa kategorya ng pagiging bayani si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagkakapiit nito sa detention center ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon sa naging pahayag ni Padilla sa pagbisita niya sa The Hague noong Marso 12, 2026, sinabi niyang maituturing na raw na “legend” o alamat ang pagkakakulong ni FPRRD.
“Talagang legend na si Digong at itong pagkakakulong niya dito sa ibang bansa, parang sinelyuhan na natin ‘yong pagkabayani niya,” pagsisimula niya.
Ani Padilla, bibihira raw ang mga pangyayaring nararanasan ng dating Pangulo sa kabila ng maraming Pilipinong kumukontra sa mga ginawa nito noon at umakyat na raw ito sa pagiging bayani.
“Talagang kahit na may mga kontra, naiintindihan naman natin ‘yong mga kontra, pero bihira ang nangyayari sa isang tao na ganito,” aniya.
Dagdag niya, “Ito ay umaakyat ka na sa kategorya ng pagiging bayani.”
Diin ni Padilla, tila raw ginawa na ring bayani ng mga Pilipino si FPRRD dahil sa pagdaan nito sa paglilitis sa hukuman ng mga dayuhan.
“Kahit aminin natin at hindi, suportado mo si Digong o hindi, ay ginawa na natin siyang bayani para siya ay dumadaan sa paglilitis ng mga dayuhan. Ginawa na natin siyang bayani,” saad niya.
Hiling naman ng senador, sana raw makauwi nang buhay ang dating Pangulo sa bansa at magsama-sama raw ang mga Pilipino para sa pag-abante ng Pilipinas sa kabila ng mga kaguluhang nangyayari sa buong mundo. .
“Sana lang magsama-sama tayo na dumating ang araw na makauwi din si Digong. Kasi mas maganda ‘yong bayaning buhay. Kasi matagal na tayong maraming karanasan. Bayaning namatay, ayaw natin ‘yon,” ‘ika niya.
“Gusto nating buhay si Digong, malampasan niya ito, matapos na ang kaguluhan sa Pilipinas dahil ang gulo-gulo na ng mundo, para makaabante tayo,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, nakiisa sa petisyong 'Tay, Kami Naman' para kay FPRRD sa harap ng SC!
MAKI-BALITA: Sen. Robin, kinondena mga tumatawag na 'terorista' kay Ali Khamenei