March 04, 2026

Home BALITA National

Usec. Castro: 'Hindi kami babae lang. Babae kami!'

Usec. Castro: 'Hindi kami babae lang. Babae kami!'
Photo courtesy: PCO

Direkta at matitibay na mga salita ang sinaad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro para sa lahat ng kababaihan sa pagdiriwang ng Women’s Month. 

Ayon sa isinagawang press briefing ni Castro nitong Miyerkules, Marso 4, 2026, nanindigan siyang hindi raw dapat gawing paksa sa malalaswang pananalita ang kababaihan at hinikayat niya ang publikong tigilan umano ang ganitong kultura. 

“Kababaihan, hindi dapat ginagawang paksa ng malalaswang pananalita,” pagsisimula niya, “Let us end the culture of objectifying women.” 

Ani Castro, ginagabayan, inaangat, ginagalang, at hindi umano basta lang ginagawang paksa ang kababaihan sa malaswang pagpapantasya ng ilan at ipinagmamalaki pa umano ito sa publiko. 

“Ang kababaihan ay ginagabayan, inaangat, ginagalang, at hindi ginagawang paksa ng… malaswang pagpapantasya na ipinagmamalaki pa sa publiko,” aniya.

National

'Sinabihan ko lang!' SILG Jonvic Remulla, itinangging inupakan si Bulacan Gov. Fernando

Dagdag pa niya, “Na dapat pa raw na ituring na compliment kapag ginawan ng kalaswaan sa isip ng isang lalaki at dapat pang ipagpasalamat ito ng isang babae.” 

Pagpapatuloy ni Castro, hindi raw sila basta babae, babae sila, na nabubuhay sa lipunang kumikilala, nag-aangat, at nagbibigay ng lakas sa lahat ng kababaihan. 

“Nabubuhay tayo sa lipunang kumikilala, gumagalang, nag-aangat, at nagbibigay lakas sa kababaihan,” saad niya, “Hindi kami babae lang. Babae kami.” 

“This is empowering women to empower all women. Happy Women’s Month po sa lahat ng kababaihan,” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay nito, matatandaang inamin din mismo ni Castro na tila na-offend daw siya na nasabi ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay tungkol sa aktres at TV host na si Anne Curtis-Smith noong Martes, Marso 3, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Hindi puwedeng sabihin na walang krimen:' Palasyo, nag-react sa 'pantasya' ni Suntay

Anang undersecretary, “Na-offend ako para sa lahat ng kababaihan. Lalo na kung ipagmamalaki pa na karangalan ng isang babae na siya ay pagpantasiyahan. Dapat pa bang ipagpasalamat na ang lalaki ay nag-iisip ng malaswa sa iyong pagkababae?” 

Samantala, matatandaan ding humingi na ng dispensa ni Suntay kay Anne nito ring Miyerkules, Marso 4, 2026, at iginiit niyang hindi raw niya sinadya na maging malisyoso ang kaniyang pahayag.

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, inaming na-offend sa 'malaswang' pahayag ni Rep. Suntay!

KAUGNAY NA BALITA: Rep. Bong Suntay, nag-sorry kay Anne Curtis: ‘There was no malice intended!’

Mc Vincent Mirabuna/Balita