Naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang 17 ‘most wanted persons’ sa bansa bilang parte ng kanilang nationwide campaign against criminality.
Ayon sa pahayag ng PNP nitong Sabado, Pebrero 7, ilan sa mga kasong kinahaharap ng mga indibidwal na kabilang sa 17 ‘most wanted persons’ ay qualified rape of minors, statutory rape, rape by sexual assault, murder, attempted murder, syndicated large-scale estafa, qualified theft, at mga paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Isa pa sa mga pag-arestong isinagawa ay ginanap sa Cagayan (PRO2) kung saan hinuli ng mga awtoridad ang isang lalaking suspek dahil sa mga kasong qualified rape at child abuse-related offenses at ilan pang kaso na walang multa.
Ayon pa sa PNP, ilan pang “high-impact arrests” ang naitala sa Palawan, Cebu, Surigao del Norte, Iloilo, Rizal, Laguna, Cavite, Eastern Samar, and Metro Manila.
“These arrests are not just numbers. These are individuals accused of violent and serious crimes. Kapag may warrant ka, may hinaharap kang kaso, at may biktima kang iniwan—darating at darating ang araw ng pananagutan,” saad ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., sa pahayag.
Base pa sa nasabing pahayag, kasama rin sa kanilang operasyon ay ang pag-aresto sa limang drug suspects, kasama rito ang tatlong “high value individuals (HVIs) at dalawang “street level individuals (SLIs).
Bukod pa rito, natimbog din ng mga awtoridad ang tinatayang ₱20.43 milyon ilegal na droga at ₱102 milyon halaga naman ng mga sigarilyo mula 8:00 ng umaga noong Pebrero 6 hanggang 8:00 ng umaga noong Pebrero 7.
Sa kabila ng mga operasyon na ito, ipinaalala ng PNP sa publiko na manatiling mapagmatyag sa mga posibleng ilegal na mga gawain at galawan sa kanilang paligid, at tiniyak nila dito na bawat ulat na isusumite ng publiko ay agad aaktuhan ng PNP.
Sean Antonio/BALITA