Opisyal, selyado, at pumirma na ng exclusive contract sa Star Magic, talent arm management ng ABS-CBN, si The Voice USA Season 26 grand winner Sofronio Vasquez, Martes, Pebrero 25.
Pumirma ng kontrata sa Star Magic ang singer kasama sina ABS-CBN Chief Operating Officer Cory Vidanes, TV Production and Star Magic Head Laurenti Dyogi, at Head of Polaris Reily Santiago.
Kagaya ng kaniyang inawit na "A Million Dreams," isa na naman sa mga pangarap ni Sofronio ang natupad sa araw na ito.
"I’m just super blessed to be given this opportunity. I always say this has been my dream to be recognized and now given the recognition, I’m sitting with the bosses of ABS-CBN and kanina nga sa rehearsals, puwede naman sa cafeteria lang kami magpirmahan,” aniya.
“Sobra po akong nagagalak sa pag-welcome sa 'kin, since this has been the dream of everyone. Most of the dreamers out there ay nawawalan ng pag-asa, you just keep going."
"The dream itself really fought for me, with the music in my heart. It’s my passion really," giit pa niya.
Ipinangako ni Sofronio na hindi raw niya sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa kaniya.
Star Magic ang hahawak sa lahat ng mga negosasyon at deal na gagawin ni Sofronio sa Pilipinas man, sa Asya, o sa Amerika. Nakalinya na rin daw ang shows at concerts na gagawin ni Sofronio sa North America, partikular sa US at Canada.
Bago pa man sumali sa The Voice ay naging contestant muna sa "Tawag ng Tanghalan" ng noontime show na "It's Showtime" si Sofronio, at kahit na hindi pinalad manalo, ay kinuha naman siyang coach para sa mga contestant.